By: Christian
also posted at
http://christian-angelo11.blog.friendster.com/
Ciao.com
‘Sapatos ay pangkaraniwang sapin sa paa na nag sisilbing proteksyon sa bawat taong nagsusuot nito sa mga bubog, matutulis, matinik, basa, dura, dumi at kung ano ano pang nakapandidiring bagay na pwede nating matapakan habang tayo’y abalang naglalakad at wala ng panahon upang tingnan ang ating nilalakaran. Pananggalang din ito paltos na maaring idulot ng mainit at malikabok na lansangan.
Nung una ay ito lang din ang pagkakakilala ko sa aking sapatos ngunit sa di inaasahan may masaklap na kwentong tungkol sa sapatos na humagupit sa akin nitong umaga lang….
Break time at gaya ng dati, mas ninaiis kong tumabay sa labas ng opisina para mag muni muni at maipahinga ang mata sa maghapong pagkatutok sa mga papel at computer. Ito ang oras ko upang makapag isip at makapag plano kung ano pa ng pwede kong magawa para mas kumita ng pera.
Sa isang bahagi ng kalsada, sa may kalye ng ruby dito sa ortigas, napansin ko ang isang delivery van at ang mga sakay nito na abalang nagbabaa ng karga nilang tila mga inimprentang marketing materials na i-de-deliver sa di kalayuaang gusali ng Jollibee Plaza.
Tatlong tao ang sakay ng van. May isang driver at dalawang pahenante… ang dalawang pahenante ang naka toka sa pag deliver ng materials at ang bawat isa sa kanila ay may tangan na mga walong nakabalot na mabibigat kahon sa kanilang likuran.
Nasa kalagitnaan na sila ng kanilang paglalakad patungo sa gusali ng mapansin ng isa na walang suot na sapatos ang kasama. Agad nya itong sinita at pilit na pinabalik sa van para pag suot-in ng sapatos. Halatang nalungkot ang pahenante at narinig ko ang pakiusap nya. “Kuya, baka naman pwede na ito wala akong sapatos eh…”. “Hindi pwede, di tayo papapasukin ng gwardya” sagot naman ng isa na mukhang iritable. “Manghiram ka ke Joey (yun ata pangalan ng driver)”. Pinuntahan ng inutusan ang driver pero bumalik ito agad sabay nag paliwanag “Kuya, masyadong malaki yung sapatos nya eh”. Lalong nairita yung kanyang kuya, dahilan upang tumaas ng konti ang kanyang tono “Kahit na! sinabi ng mag sapatos ka eh!” sabay simangot.
sumunod na eksena ay ang pagtuloy nila sa Jollibee Plaza na sya namang balik ko na sa opisina at nakasunod sa kanila.
Pinagmasdan ko ang dalawa… nalungkot ako kasi, sa hitsura ng isa e halatang di nya uunahin bumili ng sapatos kesa sa pagkain nya. Sa tipo nya, parang mag kakasapatos lang sya kung sakaling may kamag anak syang magbibigay ng kanyang pinalumaan. Heto sya, hirap na hirap sa bigat na dinadala para sa kumpanyang kanyang pinasisilbihan. Nag pupumilit na mamuhay ng marangal subalit nahuhusgahan ang pagka tao dahil lang sa kawalan ng sapatos.
Suot nya ang nahiram na luma’t maalikabok, kulay itim na balat na sapatos, na sobrang laki ay pinagmukha syang tanga dahil hindi ito bumagay sa suot nyang cargo pants. Bagamat ganito, ito lang ang paraan para tangapin sya sa loob ng gusali…
Isang sapatos na kumumpleto ng kanyang pagkatao, ayon na rin sa itinuro at pinamulat ng ating mapanghusgang mundo…

1 comment:
napakagaling mong magsulat... sana, marunong din akong magsulat ng tagalog, para mapamahagi ko naman ang aking talento nito sa iba, at makapagbigay ng inspirasyon.. tulad ng nagawa mo sa akin...
Post a Comment